Libu-libong Army troops ibubuhos vs Abu

MANILA, Philippines - Isang brigada at dalawang batalyon na “battle tested” na mga sundalo ng Philippine Army sa Isabela ang ipapadala ngayong araw sa Mindanao bilang kapalit ng mga Philippine Marines para pulbusin ang mga bandidong Abu Sayaff.

Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Hernando Iri­berri, idedeploy ang mga sundalo sa Zamboanga Peninsula at BASULTA (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) kaugnay ng utos ni Pa­ngulong Aquino na lipulin ang nalalabi pang mga bandido na nakikisakay ngayon sa popularidad ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).


Ang mga sundalo ng 501st Infantry brigade sa ilalim ni Col. Noel Cle­ment ay sasamahan pa ng dalawang battalion, ang 41st at 21st Infantry Battalion na hinugot mula sa 502nd at 503rd Infantry brigade, ayon kay Lt. Rowena Abayon, tagapagsalita ng 5th Army Division sa Gamu, Isabela.

Nasa 500 ang bilang mula sa Army’s 5th Infantry Division (ID) ang dumating na kahapon sa Zamboanga City at may kasunod pa ito sa susunod na mga araw bagaman tumangging sabihin ang eksaktong bilang ng tropa ng militar na isasabak.

Binigyang diin ng he­neral na determinado ang tropa ng Army na huwag biguin si PNoy sa direktiba nito.

Una rito, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., na sa Basulta area pa lamang ay magdedeploy ang tropa ng militar ng karagdagang mahigit 3,000 sundalo.

Sa kasalukuyan, sinasabing nasa 150-200 ang puwersa ng Abu Sayyaf na maraming hawak na hostages sa Sulu pero ‘di pa kasali rito ang mga bagong recruits ng mga bandido.

Responsable rin ang mga ito sa pamumugot ng ulo ng mga hostages na walang maibayad na ransom, ambushcades laban sa tropang gobyerno at pambobomba.


Inaasahan ni Catapang na mapupulbos ng Army ang Sayaff dahil sa napatunayan nilang katapangan sa pagsugpo ng insurhensiya ng New People’s Army sa Luzon.
Inihalimbawa ni Catapang ang 41st Infantry Battalion na nagtagumpay sa pagpapabagsak noong nakaraang linggo ng isang kampo ng mga NPA sa Lacub, Abra na ikinasawi ng walong rebelde na kinabibilangan ng Secretary ng Provincial Party Committee ng CPP- NPA sa Abra na si Arnold Jaramillo.

1 comment:

  1. ubusin lahat ang mga teroristang nagkukubli sa atin bansa... mga salot sa lipunan...gamitin ang mga bagong armas para mawasak na sila.

    ReplyDelete