Binigyan ng 7 araw ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga presidential appointee ng nakalipas na Aquino administration para magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Sa memorandum circular na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, exempted sa direktiba ng Pangulo ang mga bagong talagang cabinet secretaries, undersecretaries at assistant secretaries sa kani-kanilang departamento kabilang ang presidential advisers and assistants, iba pang opisyal sa executive department kabilang ang state universities and colleges at government owned and controlled corporations (GOCCs) na itinalaga ng kasalukuyang Pangulo.
Bukod pa ito sa career officials na tinutukoy sa civil service laws, rules at regulations, miyembro ng judiciary, mga opisyal na ang tanggapan ay binuo sa ilalim ng konstitusyon tulad ng Constitutional Commissions at Ombudsman gayundin ang mga appointments na pinoproseso pa o mga itinalaga ng Pangulo matapos ang effectivity ng nasabing memorandum circular.
Nakasaad din sa memo na hiwalay na tututukan ng administrasyon ang mga presidential appointee sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Tanging ang Pangulong Duterte o si Medialdea sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangulo ang uubrang umakto sa courtesy resignations subalit maaari nilang ikunsider ang rekomendasyon ng appointee ng tanggapan o agency head.